Ni Christian Ezekiel M Fajardo
Tuwing Mahal na Araw (maleldo kung tawagin ito sa Kapampangan), dinarayo ng mga lokal at banyagang turista ang lungsod ng San Fernando, Pampanga, upang masaksihan ang iba’t ibang uri ng ritwal na may kaugnayan sa buhay at kamatayan ni Hesu Kristo. Isa dito ay ang pagpapapako sa krus ng mga may panata na ginaganap sa San Pedro, Cutud. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami ay mayroon pang ibang uri ng ritwal na ginaganap sa nasabing lungsod. Ito ay ang Tira Bakal (“Striking Metal”).
Ang Tira Bakal ay isang uri ng marahas na pagsasadula ng pasyon ni Kristo sa pamamagitan ng paghampas, pagtulak, at pagsipa ng mga piling “Hudyo” sa gumaganap na Kristo habang pasan nito ang krus. Binabaybay ng pagtatanghal na ito ang ilang eskinita at kalsada sa nasabing lungsod hanggang makarating sa Metropolitan Cathedral ng San Fernando.
Dinaraos ito ng mga mamamayan sa tatlong magkakaratig na barangay: Sta. Teresita, Juliana, at San Jose–isang Kristo sa bawat barangay. Sa mga ito, ang Barangay San Jose ang may pinakamahabang tradisyon ng pagganap ng Tira Bakal na nagmula pa kay Matias Santos noong 1961.
Pananampalataya sa Diyos at pagsubok sa pamilya ang nag-udyok kay Matias Santos o “Apung Matias” upang simulan ang kanyang panata. Bilang deboto ng Poong Nazareno, nangako si Apung Matias na magpasan ng krus dahil sa hangaring gumaling sa karamdaman ang kanyang anak at asawa, gayundin ay upang maputol na ang sumpa matapos na sunod-sunod na nangamatay ang tatlo sa kanyang mga anak. Dininig ang kanyang mga panalangin kaya simula noon, naging tradisyon na ng kanilang pamilya na gumanap bilang Kristo at magpasan ng krus tuwing Mahal na Araw.
Sinasabing nagsimula ang bansag na Tira Bakal sa pamangkin ni Apung Matias na si Florentino o Tinong. Kilala sa palayaw na “Bakal” sa palengke dahil sa astang maton nito, minsan ding namanata si Florentino at nagpasan ng krus. Bagaman tinularan ni Tinong si Jesus sa literal na pagpasan ng krus, ang nakagisnang palayaw niya sa palengke ang isinisigaw ng mga gumaganap na Hudyo – ‘Tira, Bakal sa kalbaryo!’ Kaya ang tradisyon ay tinawag na Tira Bakal.
Pansamantalang natigil ang pagdaraos ng mga pagtatanghal nito nung taong 2020 dahil sa banta ng Covid-19. Ngayong Maleldo 2023, kabilang muli ang Tira Bakal sa mga tampok na tradisyon ng nasabing siyudad, ayon sa City Tourism Office ng lungsod ng San Fernando.
Photo credit: Anton Duran IV
About the author
Christian Ezekiel Fajardo is currently a PhD student at the International Christian University in Tokyo, Japan. A recipient of Japan’s Monbukagakusho (MEXT) scholarship, his research interests focus on culture, communication, and migration. His Ang Tira Bakal bilang (Kon)Teksto ng Katawang Nagtatanghal was published by the Philippines’ Komisyon sa Wikang Filipino in 2021. Zeke is currently assistant professor of speech communication (on study leave) at the University of the Philippines-Baguio where he teaches speech communication subjects. He is originally from San Fernando, Pampanga.